|
PROGRAMANG PANGASIGNATURA SA FILIPINO
Ang Filipino sa Makati Hope Christian School ay umaayon sa nakatadhanang umiiral na patakarang pang-edukasyon (BEC) na naglalayong ituro ang wika bilang isang sabjek at bilang wikang panturo kung saan matutunan ang Filipino bilang isang wikang may sariling katangian / kakayahang magamit ng epektibo sa iba’t ibang larangan.
Nilalayon ng pagtuturo ng Filipino sa Makati Hope na mabigyan ng oportunidad ang mga mag-aaral na matutuhan ang wika sa isang konsteksto at magamit ang kanilang mga kaalaman at kasanayang natutuhan sa mga sitwasyon at pang-araw-araw na mga gawain sa tunay na buhay.
Ang Filipino ay kumikilala sa kakayahan nito bilang wika sa istrukturang gramatiko sa pagtuturo ng iba’t ibang kaalaman sa apat na makrong kasanayan – pakikinig, pagbasa, pagsasalita, pagsulat sa pamamagitan ng iba’t ibang materyales tungo sa lubusang pagkatuto ng isang indibidwal na umunawa, mag-isip at magamit ang wika sa pamamagitan ng mga sitwasyon at pananaliksik gamit ang iba’t ibang awtentikong kagamitan at upang magtaglay ng kahusayan, kaalaman at angkop na kamalayan sa pagsasagawa ng mapanuring paghuhusga sa kagandahan at sining ng panitikan batay na rin sa mga tanggap na pamantayan, at teorya ng pamumuna. (Sa tulong ng mga akdang rehyunal at Asyanong nakasalin sa Filipino)
Saklaw nito ang kakayahang pangkomunikatibo na may sapat na kabatiran sa mga pamantayan sa komunikasyon upang maging mabisang komyunikeytor sa Filipino at magamit ang wika upang makapaghanapbuhay, makipamuhay sa kanilang kapwa at makapagpahalaga sa buhay na kanilang ginagalawan.
Ang Filipino bilang asignatura at wika ay naglalayong maging tagapag-ugnay ng mga mag-aaral sa Diyos na kanyang Manlilikha sa pamamagitan ng pagkilala at pagtuklas sa mga katangiang ipinagkaloob sa kanya ng Maykapal at sa pamamagitan nito ay patuloy siyang magkaroon ng malalim na relasyon.
Sa Elementarya:
- Pagkatapos ng Unang Baitang, ang mag-aaral ay inaasahang nakabibigkas ng mga alpabeto at mga simpleng salita. Nagagamit ang magagalang na pagbati at nakasusunod sa maikling panuto at direksiyon. Nakababasa ng bagong salita sa tulong ng bagay, larawan, hugis o anyo, naisusulat ang sariling pangalan at nakasusulat ng mga payak na pangungusap.
- Pagkatapos ng Ikalawang Baitang, ang mag-aaral ay nakapagsasabi ng pangunahing diwa ng kuwento o saknong ng tulang napakinggan; nakapaglalarawan ng mga tao, bagay, pook; nakababasa nang may wastong paglilipon ng mga salita at maayos
- Pagkatapos ng Ikatlong Baitang, ang mag-aaral ay nakapagsasalaysay ng buod ng pinakinggang balita/ulat; naibibigay ang sariling palagay tungkol sa isyung pinag-uusapan; nakababasa at naipaliliwanag ang kahulugan ng mga hiram na salita, mga babala at patalastas; nasasabi ang pagkakaiba ng opinyon at katotohanan at naisusulat ang mga idiniktang patalastas, anunsyo, poster, liham at iba pang teksto; nakababasa nang may pag-unawa.
- Pagkatapos ng Ikaapat na Baitang, ang mag-aaral ay nakapagpapahayag ng sariling ideya at kaisipan tungkol sa mga impormasyon/kuwentong narinig; nakapagbibigay rin ng reaksiyon at nakalalahok sa iba’t ibang talakayan, gumagamit ng matatalinghagangsalita at mga ekspresyong tuwiran at di-tuwiran. Natutukoy ang mga pangyayaring nag-uugnay sa sanhi at bunga ng mga pangyayari at napagsusunud-sunod ang mga ideya at sitwasyon. Nakikilala ang iba’t ibang bahagi ng aklat/pahayagan at nakasusulat na ng maikling komposisyon.
- Pagkatapos ng Ikalimang Baitang, ang mag-aaral ay nakapagbubuod ng nabasa at napakinggan, nakabubuo ng pangungusap gamit ang mga sangkap ng iba’t ibang bahagi ng pananalita, nakagagamit ng diksyunaryo, “thesaurus” at iba pang sanggunian sa paghahanap ng impormasyon at nakasusulat na ng biro, anekdota, patalastas, poster at sulatin na may 15-20 pangungusap.
- Pagkatapos ng Ikaanim na Baitang, ang mag-aaral ay nakapag-aayos ng napakinggang teksto at naililipat ang impormasyon tungo sa iba pang anyo ng pagpapahayag. Nagagamit ang iba’t ibang pangungusap sa pagpapaliwanag, nakapagbibigay solusyon sa mga suliranin batay sa karanasan at mga natutuhang kaalaman sa ano mang sitwasyon at nakasusulat na ng iskrip, paglalarawan, “pictorial essay,” o talumpati sa tulong ng mga ideya/tala na binuo ng klase.
Sa Hayskul:
- Sa Unang Taon, ang isang mag-aaral ay nararapat na nagtataglay na ng sapat na kasanayan at kaalamang magagamit nang wasto ang mga angkop na istrukturang gramatikal sa isang iskolarling pakikipagtalasatasan sa tulong ng mapanuring pagbasa ng iba’t ibang uri ng texto.
- Sa Ikalawang Taon, ang isang mag-aaral ay dapat na nagtataglay ng kognitivong kasanayan at kahusayan sa maunawang pagbasa ng iba’t ibang texto at nagagamit nang wasto ang angkop na istrukturang gramatikal sa isang akademikong pakikipagtalastasan.
- Sa Ikatlong Taon, ang isang mag-aaral ay nararapat na nagtataglay ng kahusayan, kaalaman at angkop na kamalayan sa pagsasagawa ng kritikal na pagpapasya upang mabigyang halaga ang ating pambansang panitikan batay sa mga umiiral at tiyak na pamantayan, istandard at teoryang pampanitikan.
- Ang isang gradweyt, ay nagtataglay na ng kahusayan, kaalaman at angkop na kamalayan at pagsasagawa ng mapanuring paghuhusga sa kagandahan at sining ng panitikan batay na rin sa mga tanggap na pamantayan, istandard at teorya ng pamumuna. (Sa tulong ng mga akdang rehyunal at Asyanong nakasalin sa Filipino)
|